Tuesday, August 2, 2016

Kahalagahan ng Core Values sa mag-aaral ng National University

      


      Sa pamamalagi ko sa unibersidad na ito, maraming mga bagay akong nadiskubre. Simula sa aking pagkatao at sa larangan o kurso na aking kinuha. Masasabi ko na hindi naging madali sa akin ang mga pagbabagong naganap nang tumungtong ako sa kolehiyo. Kailangan kong tumayo sa aking sarili upang malaman ko ang mga bagay na may kaugnayan sa aking kurso at sa unibersidad na aking pinasukan. Marapat lamang na pag-aralan ko ito sapagkat may mga batas at utos na dapat sundin habang tayo ay namamalagi sa paaralan. Bilang isang mag-aaral, responsibilidad nating alamin kung ano ang mga tamang pag-uugali sa loob at labas ng unibersidad. Kailangan maging mabuting ehemplo tayo sa bawat isa upang karapat-dapat tayong tawagin na “Nationalian”. Tinataglay dapat ng isang mag-aaral ang limang (5) “Core Values” kagaya ng: Respectful, Compassionate, Industrious, Trustworthy at Resilience. Ano nga ba ang kahalagahan at tungkulin ng bawat Core Values sa paghubog ng indibidwal na mag-aaral? At paano ito nakakaapekto sa larangan o kurso na ating pinili?

       Una sa mga katangiang nasa Core Values ay ang “Respectful” o pagiging magalang. Bilang isang mag-aaral, matuto tayong rumespeto sa ating mga propesor at sa mga manggagawa ng paaralan. Makipag-usap ng may galang at gumamit ng “po” at “opo” sa lahat ng oras. Bukod pa rito, importanteng igalang mo ang iyong kapwa mag-aaral. Kagaya na lamang sa ating unibersidad, may iba’t ibang lahing nag-aaral sa atin. Irespeto natin ang kanilang kultura at paniniwala nang sa gayon ay irespeto rin nila tayo pabalik. Malaki rin ang kahalagahan ng “Compassionate” o pagiging mahabagin sa ating kapwa. Kapag nakikita mo nang nahihirapan ang iyong kaklase sa pag-intindi o pag-unawa sa paksang tinatalakay, magkusang tumulong kung kinakailangan. Hindi dapat naghihilahan pababa, bagkus ay magtulungan para sa ikakaunlad at ikakabuti ng bawat isa. Taglay rin dapat ng isang Nationalian ang katangiang “Industrious” o pagiging masipag. Kaugnay sa aming sitwasyon, responsibilidad naming gawin ang ipinapagawa sa amin ng mga propesor at ipasa ito sa takdang oras o araw. Naniniwala ako na kapag may tiyaga, may nilaga. Kung may tinanim, may aanihin. Maging masipag sa mga gawaing pampaaralan at magpursige upang maabot ang mga minimithi sa buhay. Kung hindi ako magsisipag mag-aral, ang tiyak na resulta ay hindi maganda. At hindi natin gusto mangyari ang ganoong bagay. Importante rin ang pag-uugaling “Trustworthy” o pagiging matapat. Bilang isang mag-aaral, alam dapat natin ang pagkakaiba ng mali sa tama. Hindi maganda na tayo ay nagnanakaw o nandaraya ng sagot sa klase dahil hindi na ito nagpapakita ng pagiging matapat. Ipinapakita lang dito  na niloloko mo ang iyong kapwa at sarili kapag gumagawa ka ng hindi maganda o masama. Ang matapat na mag-aaral ay nagsasabi ng totoo at marunong tumanggap ng sariling kamalian at kahinaan. Huli, ang katangian dapat taglay ng isang Nationalian ay ang “Resilience”. Kahit hirap kana sa mga pinapagawa sa paaralan, huwag itanim sa isipan na sumuko sapagkat pagsubok lamang ito na kailangang lagpasan. Walang bagay na nakukuha sa madaling paraan, dapat lahat ng ito ay pinaghihirapan at pinagtiyatiyagaan. Kaakibat ng pag-aaral ang mahirapan ka, parte iyan sa paghubog ng ating katauhan.


      Ngayong alam na natin ang kahalagahan at importansya ng bawat isa sa Core Values, masasabi na natin na kayang gampanan ng isang mag-aaral ang kanyang napiling larangan o kurso. Basta isinasapuso at isinasagawa ang mga ito, magiging makabuluhan at produktibo ang iyong pag-aaral. Mas nagkakaroon ka ng rason upang magpursigeng ipagpatuloy ang larangan o kurso na iyong tinahak. Para sa akin, nakakatulong ang pag-aaral Core Values sa lahat ng larangan o kurso dahil nagiging instrumento ito upang malaman natin kung ano ang dapat na pag-uugali sa paaralan. Malaki ang tungkulin ng National University sa paghulma ng bawat mag-aaral dahil sila ang gumagabay sa atin. Bilang ganti, tayo ay maging mabuting ehemplo sa iba. Repleksyon ng eskwelahan ang mga estudyante. Hindi lamang nagtatapos sa loob ng paaralan ang kahalagahan ng Core Values, dapat hanggang sa paglabas ay naiintindihan at nauunawaan natin ito. Bilang isang Nationalian, patuloy pa rin ang aking pagdiskubre sa mga bagay na may kaugnayan sa aking kurso. Sa mga darating pang panahon, alam ko na marami pa akong pagdaraanan sa National University.


Friday, June 24, 2016

Tungkulin ng Wika


INTERAKYUNAL


Para sa akin, makikita sa larawan na ito ang pagkakaroon ng INTERAKSYUNAL. Mapapansin na mayroong pag-uusap na nagaganap sa pagitan ng tatlong mga estudyante. Marahil sila ay nagkakamustahan o may pinag-uusapang paksa.



REGULATORI


Sa larawan na ito, ang Tungulin ng Wika na nakapaloob ay REGULATORI. Sapagkat nagbibigay paalala ito na dapat ihiwalay ang Nabubulok (Biodegradable) sa Hindi-Nabubulok (Non-Biodegradable). Dahil dito, nagkakaroon ng organisasyon at ayos sa pagtatapon ng basura. Naihihiwalay ang mga kalat na maaari pang mapakinabangan at mga kalat na pwedeng magsilbing pataba sa mga lupa kagaya ng mga nabubulok.
 


INFORMATIV AT INTERAKYUNAL

Dalawa ang maaaring Tungkulin ng Wika ang makikita sa larawang ito; ang INFORMATIV at INTERAKSYUNAL. Masasabi kong INFORMATIV ito sapagkat bilang isang guro o propesor, tungkulin nito ang magbigay impormasyon at kaalaman sa kanyang mga estudyante. At INTERAKSYUNAL naman dahil may relasyon o  pag-uusap na nagaganap sa pagitan ng guro at mga estudyante.