Sa pamamalagi ko sa unibersidad
na ito, maraming mga bagay akong nadiskubre. Simula sa aking pagkatao at sa
larangan o kurso na aking kinuha. Masasabi ko na hindi naging madali sa akin ang
mga pagbabagong naganap nang tumungtong ako sa kolehiyo. Kailangan kong tumayo
sa aking sarili upang malaman ko ang mga bagay na may kaugnayan sa aking kurso
at sa unibersidad na aking pinasukan. Marapat lamang na pag-aralan ko ito sapagkat
may mga batas at utos na dapat sundin habang tayo ay namamalagi sa paaralan.
Bilang isang mag-aaral, responsibilidad nating alamin kung ano ang mga tamang
pag-uugali sa loob at labas ng unibersidad. Kailangan maging mabuting ehemplo
tayo sa bawat isa upang karapat-dapat tayong tawagin na “Nationalian”. Tinataglay dapat ng isang mag-aaral ang limang (5) “Core Values” kagaya ng: Respectful, Compassionate, Industrious,
Trustworthy at Resilience. Ano
nga ba ang kahalagahan at tungkulin ng bawat Core Values sa paghubog ng
indibidwal na mag-aaral? At paano ito nakakaapekto sa larangan o kurso na ating
pinili?
Una sa mga katangiang nasa Core Values
ay ang “Respectful” o pagiging magalang. Bilang isang mag-aaral, matuto
tayong rumespeto sa ating mga propesor at sa mga manggagawa ng paaralan.
Makipag-usap ng may galang at gumamit ng “po” at “opo” sa lahat ng oras. Bukod
pa rito, importanteng igalang mo ang iyong kapwa mag-aaral. Kagaya na lamang sa
ating unibersidad, may iba’t ibang lahing nag-aaral sa atin. Irespeto natin ang
kanilang kultura at paniniwala nang sa gayon ay irespeto rin nila tayo pabalik.
Malaki rin ang kahalagahan ng “Compassionate” o pagiging mahabagin
sa ating kapwa. Kapag nakikita mo nang nahihirapan ang iyong kaklase sa
pag-intindi o pag-unawa sa paksang tinatalakay, magkusang tumulong kung kinakailangan.
Hindi dapat naghihilahan pababa, bagkus ay magtulungan para sa ikakaunlad at
ikakabuti ng bawat isa. Taglay rin dapat ng isang Nationalian ang katangiang “Industrious”
o pagiging masipag. Kaugnay sa aming sitwasyon, responsibilidad naming gawin
ang ipinapagawa sa amin ng mga propesor at ipasa ito sa takdang oras o araw.
Naniniwala ako na kapag may tiyaga, may nilaga. Kung may tinanim, may aanihin.
Maging masipag sa mga gawaing pampaaralan at magpursige upang maabot ang mga
minimithi sa buhay. Kung hindi ako magsisipag mag-aral, ang tiyak na resulta ay
hindi maganda. At hindi natin gusto mangyari ang ganoong bagay. Importante rin
ang pag-uugaling “Trustworthy” o pagiging matapat. Bilang isang mag-aaral, alam
dapat natin ang pagkakaiba ng mali sa tama. Hindi maganda na tayo ay nagnanakaw
o nandaraya ng sagot sa klase dahil hindi na ito nagpapakita ng pagiging
matapat. Ipinapakita lang dito na
niloloko mo ang iyong kapwa at sarili kapag gumagawa ka ng hindi maganda o
masama. Ang matapat na mag-aaral ay nagsasabi ng totoo at marunong tumanggap ng
sariling kamalian at kahinaan. Huli, ang katangian dapat taglay ng isang
Nationalian ay ang “Resilience”. Kahit hirap kana sa mga pinapagawa sa paaralan,
huwag itanim sa isipan na sumuko sapagkat pagsubok lamang ito na kailangang
lagpasan. Walang bagay na nakukuha sa madaling paraan, dapat lahat ng ito ay
pinaghihirapan at pinagtiyatiyagaan. Kaakibat ng pag-aaral ang mahirapan ka,
parte iyan sa paghubog ng ating katauhan.
Ngayong alam na natin ang kahalagahan at
importansya ng bawat isa sa Core Values, masasabi na natin na kayang gampanan
ng isang mag-aaral ang kanyang napiling larangan o kurso. Basta isinasapuso at
isinasagawa ang mga ito, magiging makabuluhan at produktibo ang iyong
pag-aaral. Mas nagkakaroon ka ng rason upang magpursigeng ipagpatuloy ang
larangan o kurso na iyong tinahak. Para sa akin, nakakatulong ang pag-aaral Core
Values sa lahat ng larangan o kurso dahil nagiging instrumento ito upang
malaman natin kung ano ang dapat na pag-uugali sa paaralan. Malaki ang
tungkulin ng National University sa paghulma ng bawat mag-aaral dahil sila ang
gumagabay sa atin. Bilang ganti, tayo ay maging mabuting ehemplo sa iba.
Repleksyon ng eskwelahan ang mga estudyante. Hindi lamang nagtatapos sa loob ng
paaralan ang kahalagahan ng Core Values, dapat hanggang sa paglabas ay naiintindihan
at nauunawaan natin ito. Bilang isang Nationalian, patuloy pa rin ang aking
pagdiskubre sa mga bagay na may kaugnayan sa aking kurso. Sa mga darating pang
panahon, alam ko na marami pa akong pagdaraanan sa National University.
No comments:
Post a Comment